Magiging benepisyaryo na rin ng Pambansang Pabahay para sa Pilipino Program ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang mga residente sa Angeles City, Pampanga.
Ito kasunod ng paglagda sa isang Memorandum of Understanding (MOU) nina Department of Human Settlements and Urban Development (DHSUD) Secretary Jose Rizalino Acuzar at Angeles Mayor Carmelo Lazatin Jr. para sa high-rise housing project sa syudad.
Sa ilalim ng proyekto, tina-target ng LGU na makapagpatayo ng 12 housing buildings na may tig-22 palapag.
Ayon sa LGU, oras na makumpleto ang proyekto ay inaasahang makakabenepisyo rito ang nasa 15,000 Kapampangan families.
Itinuturing naman ni Mayor Lazatin na isang milestone project ang kasunduan dahil magiging magandang oportunidad aniya ito para sa mga Cabalen na magkaroon ng disenteng pabahay.
Sa ilalim ng Pambansang Pabahay para sa Pilipino Program, target makapagpatayo ng isang milyong housing units kada taon o katumbas ng anim na milyong housing units sa pagtatapos ng Marcos administration. | ulat ni Merry Ann Bastasa