Binigyang-diin ng National Economic and Development Authority (NEDA) ang kahalagahan ng pamumuhunan sa primary health care at nutrition tungo sa pagkamit ng “AmBisyon Natin 2040”.
Ayon kay Socioeconomic Planning Undersecretary Joseph Capuno, malaki ang papel ng investments sa transformational goals ng administrasyong Marcos para maisakatuparan ang socioeconomic agenda.
Kakailanganin aniya na mamuhunan sa “foundational interventions” tulad ng basic education, primary health care at child nutrition upang maging ganap ang paglago ng ekonomiya.
Ipinunto ni Capuno, na mahirap maabot ang paglago nang walang fundamental investments kaya mainam na nakalatag ang mga stratehiya sa Philippine Development Plan 2023-2028.
Sa matagumpay na implementasyon ng Philippine Multisectoral Nutrition Project, umaasa naman si NEDA Secretary Arsenio Balisacan na makabubuo ng stratehiya at mas matatag na partnerships katuwang ang national government agencies, local government units, pribadong sector, at development partners.
Dagdag pa ni Balisacan, tiniyak ng partner agencies ang suporta sa primary health care at pagpapalakas sa heath and nutrition services systems gayundin ang pagpapabuti sa water, sanitation at hygiene practices. | ulat ni Hajji Pantua Kaamiño