Binara ni Vice President Sara Duterte ang suhestyon ng Alliance of Concerned Teachers sa Department of Education na mag-hire ng 30,000 public school teachers at maglaan ng P100-B pondo kada taon.
Sa isang statement, tinawag ni VP Sara na mapanlinlang ang pahayag ng ACT dahil idinisenyo lamang ito para kontrahin ang solusyon ng administrasyong Marcos sa mga problema sa sektor ng edukasyon.
Hindi aniya maituturing na malasakit para sa kinabukasan ng mga mag-aaral at kapakanan ng guro ang kanilang iniisip.
Sa halip, iginiit ni VP Sara na hindi makatotohanan at imposible ang hinihiling ng grupo na ang layunin ay ilagay sa alanganin ang gobyerno na mauuwi sa kapalpakan.
Kinuwestyon din ng pangalawang pangulo ang timing at intensyon ng ACT sa panawagan kasabay ng nangyayaring bakbakan sa pagitan ng militar at New People’s Army sa Masbate.
Buwelta pa ni VP Sara, habang nananahimik ang grupo sa operasyon ng NPA ay nagawa pa nitong mag-isip ng kalokohan para lamang ibaling ang atensyon ng publiko palayo sa pinsala ng mga pag-atake sa Masbate lalo na sa mga estudyante. | ulat ni Hajji Kaamiño