Maiaakyat na sa plenaryo ng Kamara ang panukalang batas na layong padaliin ang paghabol ng prosecutors sa mga sindikato na sangkot sa illegal recruitment.
Ito’y matapos aprubahan ng House Committee on Overseas Workers Affairs ang House Bill 7718 para amyendahan ang Presidential Decree 442 o Labor Code of the Philippines.
Sa ilalim ng panukala, ang illegal recruitment ay ituturing na ginawa ng isang sindikato kung sangkot sa krimen ang dalawa o higit pang indibidwal.
Sa kasalukuyan kasi, kailangan na hindi bababa sa tatlo ang miyembro para ituring na isa itong sindikato.
Oras naman na masangkot sa illegal recruitment ang sindikato ay ituturing na itong economic sabotage na may parusang habambuhay na pagkakakulong at multang ₱100,000. | ulat ni Kathleen Jean Forbes