Niratipikahan na ng Mataas na Kapulungan ng Kongreso ang panukala tungkol sa pag-amyenda ng batas sa fixed term ng mga opsiyal ng Armed Forces of the Philippines (AFP).
Sa naaprubahang bersyon ng Senate bill 1849 at House bill 6517, itinaas sa 57 years old ang retirement age ng mga miyembro ng AFP.
Ayon kay Senate Committee on National Defense Chairman Senador Jinggoy Estrada, ginawa ito para ma-maximize ang training at pagpapaaral ng gobyerno sa mga tauhan ng militar.
Sa kasalukuyan kasi aniyang retirement age na 56 ay matapos magretiro ay lumilipat lang sa pribadong sektor ang mga retiradong sundalo dahil kaya pa naman nilang magtrabaho.
Lahat ng mga kawani ng AFP ay imamandatong magretiro sa edad sa 57, maliban na lamang sa AFP chief of staff.
Ang pinakapinuno kasi ng AFP o ang chief of staff, ay magkakaroon ng maximum tour of duty na tatlong taon maliban na lang kung aalisin ito ng mas maaga ng pangulo ng bansa.
Nakasaad rin sa panukala na ang AFP chief of staff ay dapat maitalaga isang taon bago ang mandatory age na 57 o kahit hanggang 56 years old ito.
Kaya naman kung ma-appoint ang isang opisyal bilang chief of staff sa edad sa 56 ay mananatili siya sa pwes to hanggang 59 years old para tapusin ang tatlong taon niyang tour of duty.
Ang ibang service commanders naman gaya ng Navy, Air Force, Army at PMA Superintendent ay magkakaroon ng maximum tour of duty na 2 taon.
Maliban sa retirement age at tour of duty, dinagdagan din ng panukalang batas ang bilang ng mga heneral sa AFP.
Mula sa nakasaad sa kasalukuyang batas, isinusulong sa bicam version na itaas sa 1.25% ang kabuuang bilang ng mga sundalo sa AFP.
Katumbas ito ng madadagdag na 40 to 50 generals sa Sandatahang Lakas ng Pilipinas. I via Nimfa Asuncion