Pinagtibay na ng House Committee on Banks and Financial Intermediaries ang panukala na magpaparusa sa mga scammer na kumukuha ng mga detalye ng bank account at e-wallet.
Sa ilalim ng House Bill 7393 o Anti-Financial Account Scamming Act, ituturing na krimen at parurusahan ang financial crimes gaya ng pagiging money mule, paggamit ng social engineering scheme, at economic sabotage.
Kulong na anim na buwan hanggang anim na taon at/o multa na ₱100,000 hanggang ₱200,000 ang kahaharapin ng mga money mule.
Sila ang mga nagnanakaw, kumukuha, tumatanggap, naglilipat, o nagwi-withdraw ng pera o pondo na nanggaling sa ginawang krimen o social engineering scheme.
Ang mga sangkot naman sa social engineering scheme o panloloko o paggamit ng mga paraan na iligal sa pagkuha ng confidential o personal na impormasyon ng mga may-ari ng bank account o e-wallet, ay papatawan ng kulong na anim hanggang 12 taon at/o multang ₱200,000 hanggang ₱500,000.
Kung sindikato ang gumawa nito, ituturing itong economic sabotage na ang parusa ay habambuhay na pagkakakulong at multang ₱1-milyon hanggang ₱5-milyon.
Nakapaloob din sa panukala ang pagbibigay kapangyarihan sa Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) na magsagawa ng imbestigasyon sa mga paglabag, humingi ng cybercrime warrants at orders, at humingi ng tulong ng mga law enforcement agency sa gagawing pag-iimbestiga.
Pinatitiyak naman sa mga bangko at iba pang financial institution ang pagkakaroon ng sapat at mahigpit na seguridad upang matiyak ang proteksyon ng mga account holder. | ulat ni Kathleen Jean Forbes