Isinusulong ni Senador Raffy Tulfo na maging pantay na ang panuntunan sa mga checkpoint para sa mga two-wheeled at four-wheeled vehicles.
Ito ang nakasaad sa inihaing Senate Bill 1977 ni Tulfo na layong matigil ang diskriminasyon sa mga motorcycle rider na palaging nahaharang sa mga checkpoint.
Pinunto ni Tulfo ang kadalasang nakikita sa mga kalye, lalo na sa Metro Manila, na mahabang pila ng mga motorsiklo sa isang checkpoint samantalang nakalulusot lang ang mga four wheeled vehicles gaya ng mga kotse, pick-up, SUV at van.
Ibinahagi ng senador ang reklamo ng mga motorcycle rider na ang ilan sa mga checkpoint na ito ay nauuwi sa pangongotong at pangha-harass sa mga mula sa mga iresponsable at abusadong pulis sa mga checkpoint.
Kaya naman sa isinusulong na panukala ng mambabatas, pinalilinaw na ang pagsasagawa ng inspeksyon sa mga checkpoints ay limitado lang dapat sa visual search at ang mga sakay ay hindi dapat kapkapan o isailalim sa physical o body search.
Kailangan rin aniyang tiyakin na ang “stop and frisk” operation ay ipapatupad lang kung mayroong impormasyon na kaduda-duda o may nagawang krimen ang driver na nasa checkpoint.
Ang inspeksyon sa checkpoint ay dapat na gawin nang may pag-iingat at paggalang sa mga inosenteng motorista at mga commuter at ito ay gagawin sa paraang hindi makakaabala sa publiko. | ulat ni Nimfa Asuncion