Umaasa si Senador Risa Hontiveros na magiging patas at mabilis na gugulong ang hustisya sa pagpatay sa broadcaster na si Percy Lapid.
Ito ay matapos masampahan na ng kaso ng Department of Justice (DOJ) si dating Bureau of Corrections (BuCor) chief Gerald Bantag.
Ayon kay Hontiveros, mahalagang hakbang ito para makamit ang hustisya para sa pamilya ng pinaslang na broadcaster at sa pagtataguyod ng tunay na kalayaan sa pamamahayag at pagwawakas ng kultura ng pang-aabuso.
Magsilbi rin aniya sana itong babala na walang sinuman ang makaliligtas sa pananagutan sa batas, kahit mga uniformed personnel.
Aminado pa ang senadora na nakakaalarma at nagdudulot ng pagkabalisa sa publiko ang dumaraming pagkakasangkot ng state actors o mga pulis at militar sa mga kaso ng pagpatay.
Dapat aniyang seryosong imbestigahan ng AFP at PNP ang kanilang hanay at suriin ang kultura nito.
Hinimok din ni Hontiveros na magsalita rin ang Malacañang sa isyu at direktang makipag-usap sa militar upang paalalahanan sila na ang kanilang mandato ay para sa mamamayang Pilipino. | ulat ni Nimfa Asuncion
? Sen. Hontiveros/FB