Kinumpirma ni House Committee on Ethics and Privileges Chair Felimon Espares na natanggap na ng kanilang committee secretariat ang routing letter kaugnay sa inihaing petisyon ni Pamplona Mayor Janice Degamo para alisin bilang miyembro ng Kamara si Negros Oriental Rep. Arnie Teves.
March 22 nang pormal na matanggap ng Kamara ang naturang liham ni Mayor Degamo, asawa ng pinaslang na Negros Oriental Gov. Roel Degamo.
Ayon kay Espares, kanilang aaralin kung may sapat na form at substance ang petisyon ni Mayor Degamo.
Hindi isinasantabi ni Espares na magsagawa ng pagdinig ang komite kahit pa naka-break ang Kongreso.
Ngunit aminado ito na magiging hamon ang pagkuha ng quorum dahil nasa kani-kaniyang distrito na ang mga miyembro ng komite.
“Per our committee secretariat they just received a routing letter from the Secretary General about the complaints. Per [our] procedure [we] will review the document if it has form and substance/content then [we] will schedule a committee hearing kahit on recess kami. But the challenge right now [is] if we can master a quorum since the members are on their district o area na. Usually, the meeting is executive due to confidentiality.” saad sa mensahe ni Espares
Batay sa liham ni Mayor Degamo, nais nitong ipatanggal si Teves sa House of Representatives dahil sa pagkakaugnay sa pagkamatay ng asawa nito na si Gov. Degamo, pagkakasangkot sa e-sabong, kinakaharap na reklamong murder, hindi maipaliwang na yaman, conduct unbecoming at iba pa. | ulat ni Kathleen Jean Forbes