Inihain ni TGP Party-list Representative Jose “Bong” Teves Jr. ang isang panukalang batas na layong palakasin ang “information dissemination at education campign” hinggil sa Republic Act 11053 o Anti-Hazing Act.
Sa ilalim ng House Bill 7434 o “Tulong at Gabay para sa mga Pilipino Kontra Hazing Educational Campaign” bibigyang-mandato ang Department of Education (DepEd) at ang Commission on Higher Education (CHED) na manguna sa pagpapalaganap ng mga tamang impormasyon ukol sa nilalaman ng Anti-Hazing Law.
Pinagsasagawa rin sila ng mga dayalogo kasama ang mga lider at miyembro ng school-based organizations, fraternities, sororities, at iba pang asosasyon sa pagsisimula ng kada school year.
Pinahahanapan rin ang DepEd at CHED ng alternatibong paraan para sa “membership/admission” gaya ng tree planting, community at school development services, at iba pa.
Para mas maiparating sa mga mag-aaral ang nilalaman at layunin ng Anti-Hazing Law, ay pinasasama ito sa curriculum ng DepEd at CHED.
Ang Department of the Interior and Local Governent (DILG) katuwang ang Philippine National Police (PNP) at mga barangay ay pinakikilos din para sa information dissemination ukol sa Anti-Hazing Law at para magdaos ng seminar at orientation sa mga komunidad kaugnay sa posibleng “ban” ng hazing. | ulat ni Kathleen Jean Forbes