Nanawagan si Senate Committee on Public Services Chairperson Senador Grace Poe sa mga awtoridad na patuloy na tugunan ang problema sa mga mobile scammer kasabay ng pagpapatuloy ng registration ng mga Subscriber Identity Module (SIM).
Pinuto ni Poe na naglipana pa rin ang mga text scammer at kabilang sa mga nagpapatuloy na modus ay ang pagpapadala ng mensahe na na-block ang online bank account ng kanilang binibiktima.
Iginiit ng senador na hindi dapat magpakampante laban sa ganitong mga kriminal kahit pa una nang inulat ng Departmern of Information and Technology (DICT) na bumaba na ang bilang ng mga spam messages.
Kaya naman hinikayat ng mambabatas ang DICT at ang mga telecommunications company na gawin ang lahat para mairehistro ng publiko ang kanilang SIM number bago ang April 26, 2023 deadline.
Matatandaang sa ilalim ng SIM Registration Law, kailangang iparehistro ang lahat ng SIM number upang hindi ito ma-deactivate.
Ipinaliwanag ni Poe na kung mairerehistro na ang lahat ng SIM ay madali na lang matutukoy at mapapanagot ng pamahalaan ang mga manloloko.
Sinabi rin ng senador na bagamat maaaring palawigin ng DICT ang period of registration ay dapat gamitin ang extension para paigtingin ang SIM registration campaign at tiyaking hindi ito magagamit para sa pagpapalawig rin ng kalokohan ng mga scammer. | ulat ni Nimfa Mae Asuncion