Nanindigan si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na tapusin ang mga proyektong nasimulan ng Duterte administration.
Sa pinakahuling vlog ni Pangulong Marcos sinabi nitong walang dahilan para itigil ang isang proyekto kung maganda naman ito at pakikinabangan ng mga Pilipino.
Hindi tama ayon sa Punong Ehekutibo ang tila naging kaugalian na kapag nagbago ng administrasyon sa bansa ay itinitigil ang nasimulang gawin ng pinalitan nitong liderato.
Pagbibigay-diin ni Pangulong Marcos, hindi ang ganitong klase ng pag-iisip ang magdadala sa mga Pilipino tungo sa bagong Pilipinas.
Nanindigan ang Chief Executive na ang imprastraktura ay kaunlaran at ang mga proyektong inilatag ukol dito ay dumaan sa masusing pag-aaral.
Sa 194 na infrastructure projects na naaprubahan kamakailan ng National Economic and Development Authority (NEDA), 71 dito ay nasimulan na at naabutan lang ng pagtatapos sa termino ng Duterte administration na itutuloy naman ng Marcos government. | ulat ni Alvin Baltazar