Iginiit ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na dapat mapanatili ng Pilipinas ang kasalukuyang Tier 1 status nito kung pag- uusapan ay human trafficking.
Ayon sa Punong Ehekutibo, dapat na manatili sa Tier 1 ang status ng bansa sa gitna na din ng ginagawang pagbabantay ng Trafficking in Persons Office na nasa ilalim ng US Department of State.
Mapapasailalim ang isang bansa o teritoryo sa Tier 1 kung nakatutugon ito sa minimum standards na itinatakda ng nabanggit na tanggapan ng Estados Unidos habang ang mga nasa Tier 2 ay ang mga hindi nakatutugon sa set of standards.
Kaugnay nito’y inihayag ng Punong Ehekutibo na whole-of-government approach ang kailangan.
Tulong-tulong dapat sabi ng Pangulo ang iba’t ibang tanggapan ng pamahalaan sa paglaban sa human trafficking kasama na din ang mga nasa pribadong sektor gayung kung ito aniya’y mapabayaan ay makokompromiso ang ekonomiya ng bansa habang may hagip din aniya ito sa national security. | ulat ni Alvin Baltazar
?: Office of the President