ROV ng U.S., dumating sa bansa kahapon para tumulong sa oil spill ops

Facebook
Twitter
LinkedIn

Dumating sa Subic, Zambales kahapon ang barkong The Pacific Valkyrie ng Estados Unidos, dala ang isang remotely operated vehicle (ROV) para tumulong sa oil spill operations sa Oriental Mindoro.

Ang barko at ang ROV team ng U.S. ay magsasagawa ng survey sa MT Princess Empress para malaman ang pinaka-epektibong paraan sa pag-salvage ng lumubog na barko at ang natitira sa karga nitong 800,000 litro ng industrial fuel oil.

Nagpasalamat si National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) Chairperson at Department of National Defense (DND) Officer in Charge Sr. Undersecretary Carlito Galvez Jr. sa tulong ng Estados Unidos sa pagresolba ng “environmental emergency” na dulot ng pagtagas ng langis mula sa lumubog na barko.

Bukod sa ROV, magpapadala din ang Estados Unidos ng 11,000 feet ng 26-inch absorbent Harbor boom, para ma-kontrol ang pagkalat ng langis sa karagatan, at mapadali ang pagrekober nito.

Una na ring nagpadala ang Estados Unidos ng Personal protective equipment (PPEs), kagamitan, sasakyan, at mga eksperto mula sa U.S. Coast Guard, National Oceanic and Atmospheric Administration, at U.S. Navy para tumulong sa oil spill clean-up. | ulat ni Leo Sarne

Radyo Pilipinas

Radyo Pilipinas is the flagship government AM radio station of the Philippine Broadcasting Service (PBS), which is under the Presidential Communications Operations Office (PCOO) of the Office of the President, Republic of the Philippines. Its frequency is 738khz on the Philippine AM band.

Recent Posts

Follow Us