Hindi nangangamba si Senador Ronald ‘Bato’ dela Rosa kaugnay ng kasong kinakaharap niya sa International Criminal Court (ICC).
Ito ay matapos maglabas ang ICC ng Warrant of Arrest laban kay Russian President Vladimir Putin.
Giit ni Dela Rosa, malabong maipatupad ang Warrant of Arrest na ito laban kay Putin dahil hindi tiyak kung sino ang magpapatupad nito.
Kumpiyansa ang senador na ganito rin ang magiging sitwasyon sakaling mahatulan siya ng ICC.
Matatandaang nahaharap sa kasong Crimes Against Humanity si Dela Rosa, kasama ni dating Pangulong Rodrigo Duterte, dahil sa ipinatupad na war on drugs o ‘Oplan Tokhang’ ng nakaraang administrasyon.
Paliwanag ng mambabatas, bilang hindi na bahagi ang Pilipinas ng ICC ay hindi obligado ang Philippine National Police (PNP) o ang National Bureau of Investigation (NBI) na sundin ang desisyon nito.
Dinagdag rin nito na maaaring magresulta sa kaguluhan o giyera kung magkakaroon ng hakbang ang anumang external force sa pang-aaresto.
Muling binigyang-diin ni Dela Rosa na gumagana ang justice system ng Pilipinas kaya’t hindi dapat mangialam ang dayuhan sa ating bansa. | ulat ni Nimfa Mae Asuncion