Sang-ayon si Senate Committee on Basic Education Chairperson Sherwin Gatchalian na mabalik na sa dati ang school calendar, o mula sa kasalukuyang Agosto na pasukan ay ibalik na ito sa Hunyo.
Ginawa ng senador ang pahayag matapos ang nangyaring insidente sa Laguna, kung saan halos 100 estudyante ang naospital matapos ang ginawang fire drill ng isang paaralan.
Ipinunto ni Gatchalian, na una in-adjust ang schedule ng pagbubukas ng school year dahil sa COVID-19 pandemic.
Kaya naman ngayong nagbabalik na sa normal ang sitwasyon ng bansa ay mainam na ring ibalik sa dati ang school calendar.
Ipinaliwanag ng senador, na kabilang sa mga dahilan kaya mas lohikal ang dating school calendar ay ang panahon ng tag-init kung kailan dapat hayaan ang mga estudyante na magpahinga at makasama ang kanilang mga pamilya gayundin ang election season na laging natatapat sa summer season.
Aminado naman ang mambabatas, na mangangailangan muli ng unti-unting transition at panahon sa pagbabalik sa dati ng school calendar pero dapat pa rin itong gawin.
Samantala, panawagan naman ni Gatchalian sa mga principal at school authorities, maging maingat at sumunod sa mga protocol sa pagsasagawa ng mga aktibidad ngayong tag-init.
Hindi aniya dapat gumawa ng mga hakbang na maglalagay sa alanganin sa mga mag-aaral. | ulat ni Nimfa Asuncion