Sang-ayon si Senador Jinggoy Estrada na mas malaki ang tiyansa na makalusot sa senado ang pag amyenda sa konstitusyon sa pamamagitan ng Constituent Assembly (Con-Ass) kaysa sa Constitutional Convention (Con-Con).
Ayon kay Estrada, masyadong magastos kung idadaan ito sa con-con.
Isa rin aniyang isyu ang usapin ng kung sino ang mga tatakbo o mauupong delegado nito.
Sinabi ng senador na kabilang sa mga gagastusin sa con-con ay ang sweldo ng mga staff at ang mga kagamitan para dito.
Samantalang sa con-ass aniya ay sila mismong mga mambabatas ang magrerebisa ng Saligang batas at wala nang gagastusin.
Giit ng mambabatas, kung kakailanganin man ng legal luminaries o mga dating justices ng korte suprema ay maaari naman nila itong i-hire bilang mga consultant at mas maliit lang ang magiging gastos.
Ibinahagi ni Estrada na maaaring suportahan niya ang pag-amyenda ng saligang batas kung totoong lilimitahan lang ito sa economic provision ng konstitusyon.
Naniniwala rin ang senador na maraming mga senador ang bukas sa usapin ng Con-Ass. | ulat ni Nimfa Asuncion