Muling kinalampag ni Camarines Sur Representative LRay Villafuerte ang mga kasamahang mambabatas sa Kamara at Senado na ituloy nang pagpulungan ang Charter Change.
Ayon kay Villafuerte, ngayong sinabi na ni House Speaker Martin Romualdez na bukas siyang aralin ang anomang suhestiyon ng Senado sa pamamaraan ng pag amyenda sa Saligang Batas ay dapat samantalahin na ng Kongreso ang Holy Week Break upang mag-usap.
Aniya, kung makakapag-usap ang dalawang Kapulungan sa lalong madaling panahon ay mas madali ring magkakaroon ng common ground o kompromiso, kung paano gagawin ang Cha-cha bago matapos ang taon.
“Speaker Martin’s openness to any Senate proposal on how to pursue constitutional reform, despite the supermajority support in the House for a Con-Con (Constitutional Convention) to pursue the makeover, augurs well for an early meeting between Charter Change proponents in both chambers to try finding a common ground on how to do it before the year is over,” saad ni Villafuerte.
Dagdag pa ng NUP president, hindi na mahalaga sa ngayon kung anong pamamaraan ang gagamitin para maisakatuparan ang amyenda sa restrictive economic provisions ng Saligang Batas, dahil ang mas importante ay masimulan na ang paggulong sa pagtalakay nito. | ulat ni Kathleen Forbes