Tiniyak ni Senate President Juan Miguel Zubiri na hindi binabalewala ng senado ang panukalang pag-amyenda sa saligang batas ng Pilipinas.
Ito ang sagot ni Zubiri sa naging pahayag ni Congressman Rufus Rodriguez na dapat pagtuunan ng pansin ng senado ang panukalang Cha-Cha bilang malaking suporta ang nakukuha nito sa mababang kapulungan.
Giit ng Senate President, patunay na hindi nila binabalewala ang Cha-Cha ang hindi nila pagpigil sa Senate Committee on Constitutional Ammnedments na magsagawa ng mga public hearing tungkol dito.
Bahagi aniya ito ng trabaho ng senado na pakinggan ang boses ng taumbayan.
Muli ring sinabi ni Zubiri na kahit pa suportahan niya ang Cha-Cha ay malabo pa itong makakakuha ng boto ng mayorya ng mga senador.
Muli ring ipinaliwanag ng senador na sa sandaling payagan ang Charter Change sa pamamagitan ng Constitutional Convention ay hindi maiiwasan na mabuksan at baguhin ang iba pang artikulo sa saligang batas partikular ang may kinalaman sa political provisions kasama na ang porma ng gobyerno. | ulat ni Nimfa Asuncion