Siniguro ni Senate President Juan Miguel Zubiri sa Trade Union Congress of the Philippines (TUCP) at sa lahat ng mga manggagawa sa bansa na kaisa nila ang senado sa pagtataguyod ng nararapat na living wage o pasweldo para sa kanila.
Sinabi ito ng Senate President matapos magpahayag ng suporta ang TUCP sa inihain niyang panukala na layong dagdagan ng 150 pesos ang minimum wage ng mga manggagawa sa lahat ng rehiyon sa buong bansa.
Bilang tugon naman sa pahayag ng business sector, iginiit ni Zubiri na ang hindi pagtataas ng sweldo ng mga manggagawa ay magtutulak lang sa kanila na mangibang-bansa para sa mas magandang kita.
Ito lalo na aniya kung ihahambing ang arawang sahod sa Metro Manila na katumbas ng 10 dollars kada araw sa pasweldo sa Estados Unidos na 10 dollars kada oras.
Ayon sa mambabatas, hindi dapat ginigipit ang mga manggagawa dahil sila ang nagpapagalaw sa mga industriya sa bansa.
At kung wala sila ay mapipilay ang mga industriya at babagsak ang ekonomiya ng bansa. | ulat ni Nimfa Asuncion