Nasa normal operating level ang Angat Dam o ang pinaka-source ng supply ng tubig dito sa Metro Manila.
Dahil dito, ayon kay National Water Resources Board (NWRB) Executive Director Sevillo David Jr. ay mayroon pang sapat na supply ng tubig sa rehiyon, sa kabila ng matinding init na nararanasan sa bansa.
Sa briefing ng Laging Handa, sinabi ng opisyal na binabantayan pa rin nila ang inaasahang epekto ng El Niño sa bansa, partikular sa kalagitnaan ng taon.
Ito aniya ang pinaghahandaan ng pamahalan, lalo at nakakakita ng kabawasan sa mararanasang pag-ulan sa Pilipinas dahil sa El Niño, na posibleng makaapekto sa supply ng tubig sa mga susunod na buwan, bago matapos ang taong kasalukuyan.
“Kaya lang po ang isa po nating binabantayan din sa ngayon ay ito pong nagbabadyang epekto ng El Niño na posible pong mag-take effect nito pong kalahating parte ng taong ito na kailangan din po nating paghandaan dahil nga po ang isang epekto nito ay kabawasan po sa pag-ulan na posible pong makakaapekto sa supply ng tubig natin sa mga susunod na buwan po bago po magtapos ang taon.” — Dr. David | ulat ni Racquel Bayan