Muling hinimok ng Globe Telecommunications Inc. na magrehistro na ng kanilang mga SIM card ang natitirang 66.7 milyong subscribers nito, dahil sa napipintong pagtatapos ng palugit ng gobyerno sa SIM registration.
Ito ay matapos makapagtala ang Globe ng higit 20.44 milyong SIM card na naireshitro sa kumpanya, kaugnay ng pagtatapos nito sa Abril 26, 2023.
Ayon sa Globe, importante na maireshitro na ang mga SIM card ng mga hindi pa nakakapagrehistro dahil made-deactivate ang kanilang mga SIM pagsapit ng deadline.
Suportado ng Globe and SIM Registration, upang makatulong na tuldukan ang mga krimen gamit ang mga hindi rehistradong SIM card.
Mula Enero hanggang Setyembre 2022 ay nakapagtala ang Globe ng 1.3 bilyon na text scams, higit na mas mataas kumpara sa 1.15 bilyon na naitala noong 2021.
Maaaring magrehistro ang subscribers ng kumpanya sa website nito o sa Globe One Application na maaaring i-download sa App Store o Google Play.
Gumugulong na rin naman ang assisted registration ng kumpanya sa bisa ng pakikipagtulungan nito sa National Telecommunications Commission, upang bisitahin ang mga lugar na nangangailangang maabutan ng tulong sa kanilang pagrerehistro.
Bukas ito para sa mga senior citizen, persons with disability, mga buntis, at mga may cellphone na walang internet.
Kailangan lamang ihanda ang mga sumusunod na impormasyon: pangalan, araw ng kapanganakan, kasarian, address, at valid ID.
Bumisita ang NTC at Globe sa mga probinsya ng Mountain Province, Ifugao, Ilocos Sur, La Union, Quirino, Pampanga, Nueva Ecija, Quezon, Rizal, Romblon, Palawan, Camarines Sur, Aklan, Camotes, Negros Oriental, Samar, Zamboanga del Sur, Zamboanga Sibugay, Zamboanga del Norte, Misamis Oriental, Bukidnon, Davao de Oro, Cotabato, Maguindanao, North Cotabato, Surigao del Sur, at Surigao del Norte mula Marso 20 hanggang 24.
Inabisuhan din ng Globe, na mag-antabay lamang ang iba pang mga lugar dahil layon nito na suyurin ang mga liblib na lugar upang mas mapabilis at makaabot sa mas nakararami ang SIM registration. | ulat ni Lorenz Tanjoco