Nilinaw ni Talino at Galing ng Pinoy o TGP Party-list Representative Jose “Bong” Teves Jr. na hindi siya konektado kay Negros Oriental 3rd District Representative Arnolfo ‘Arnie’ Teves Jr.
Ito ay sa gitna ng pag-uugnay kay Rep. Arnie sa pagpaslang kay Negros Oriental Governor Roel Degamo.
Sa isang privilege speech sa sesyon ng Kamara, ipinaabot nito ang pakikiramay sa pamilya at kababayan ng nasawing gobernador.
Kaniya rin aniyang kinokondena ang ginawang pananambang kay Gov. Degamo.
Kasabay nito ay umapela siya sa media na maging maingat sa pagbabalita lalo na sa mga sensitibong isyu o impormasyon.
Partikular na dito ang paggamit sa buong pangalan ng kasamahang si Rep. Arnie Teves sa mga balita na nag-uugnay sa kanya sa Degamo case.
“Ako po ay umaapela sa kanila [media] na sana ay buoin nila ang pangalan ng nasasangkot sa issue at kung saan ito nagmula para maiwasan na ang pagkalito ng publiko sa ibang pamilya na may kaparehong pangalan katulad namin…As an innocent person, yours truly is not involved in the killing of Governor Degamo, but unfortunately my name is being dragged into the issue which misleads the public,” paliwanag ng TGP Party-list solon.
Paliwanag ni Rep. Bong, may ibang “pamilyang Teves” na galing sa ibang lugar na wala namang alam o kinalaman sa naturang kaso ang nadadamay.
Tinukoy pa nito na mismong ang kaniyang mga anak ay madalas kulitin at tanungin kung tatay ba nila ang sangkot sa pagkamatay ni Gov. Degamo.
Aniya bagamat magka-apelyido sila ng kasamahang mambabatas, siya ay nagmula sa Catanduanes sa Bicol habang si Rep. Arnie ay taga Negros Oriental sa Central Visayas.
“Mr. Speaker, I stand before this august body to settle this confusion once and for all dahil even my family is heavily affected by the news. Wala pong kinalaman o koneksyon ang aming pamilya mula sa probinsya ng Catanduanes, Bicol Region sa issue ng pagpaslang kay Gov. Degamo ng Negros Oriental,” ani Rep. Bong Teves. | ulat ni Kathleen Jean Forbes