Inihain sa Kamara ang panukalang magpatupad ng across-the-board wage hike sa lahat ng empleyado sa pribadong sektor.
Sa ilalim ng House Bill 7568 itinutulak na itaas sa ₱750 ang arawang sahod ng mga manggagawa sa pribadong sektor, agrikultura, at non-agriculture enterprises.
Punto ni Assistant Minority Leader Arlene Brosas, dahil sa mataas na inflation rate ay lumiliit naman ang halaga ng sahod ng mga manggagawa.
Sakaling maisabatas, ipagbabawal ang pagtatanggal ng mga empleyado dahil sa pagtaas ng sahod.
Ang mga micro, small, at medium enterprise, at may-ari ng lupang sakahan na hindi lalagpas ng limang ektarya ay maaaring humingi ng subsidy sa gobyerno para maibigay ang dagdag na sahod.
Huhugutin ang kailangang pondo para sa wage subsidy mula sa budget ng Department of Labor and Employment (DOLE).
Ang mga mabibigong magbigay ng wage increase ay pagmumultahin ng 100% ng kabuuang dagdag sahod na hindi naibigay at/o kulong na tatlo hanggang limang taon.
Ito ay bukod pa sa tig-₱50,000 na indemnity sa bawat empleyado na hindi binigyan ng taas-sahod at doble ng halaga ng benepisyo na hindi ibinigay sa kanila. | ulat ni Kathleen Jean Forbes