Parami na ng parami ang mga motorcycle rider na dumaraan sa designated motorcycle lane sa kahabaan ng Commonwealth Ave. sa Quezon City.
Ito ang iniulat ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA), kasunod ng apat na araw na pagpapatupad ng dry-run para sa exclusive motorcycle lane sa nabanggit na kalsada
Ayon kay MMDA Acting Chairperson, Atty. Romando Artes, batay sa kanilang datos ay aabot na sa 1,494 na motorcycle riders ang kanilang nasita sa unang apat na araw ng pagpapatupad nito.
Kasabay nito, inanunsiyo rin ni Artes, na itinakda na nila sa Marso 20 ang full implementation ng nasabing patakaran at aasahan na ang masinsinang hulihan gayundin ang paniniket sa mga mahuhuling lalabag.
Makikipag-ugnayan na rin ang MMDA sa Department of Public Works and Highways (DPWH) para sa pagsasaayos ng motorcycle lane ngayong linggong ito.
Nagpahiwatig din si Chair Artes, na posibleng gawin na rin ang pagpapatupad ng exclusive motorcycle lane hindi lamang sa Commonwealth Avenue kung hindi maging sa iba pang pangunahing lansangan sa Metro Manila tulad ng EDSA, C5, Roxas Boulevard at Macapagal Avenue. | ulat ni Jaymark Dagala