Biglaang tumulong ang mga tauhan ng Naval Installation Forces (NIF) – Cavite, Firefighting team, sa pagresponde sa sunog sa Binakayan sa Kawit, Cavite kahapon ng pasado alas-5 ng umaga.
Patungo sana ang firefighting team sa Quirino Grandstand mula sa Naval Base Heracleo Alano, Sangley Point, Cavite, para lumahok sa First Quarter Nationwide Simultaneous Earthquake Drill nang mamataan nila ang makapal na usok mula sa naturang lugar.
Nagdesisyon ang team na puntahan ang lugar, kung saan naabutan nila ang limang iba pang trak ng bumbero na sinisikap ma-apula ang sunog sa Mass Way Supermarket.
Sinuplayan ng tubig ng NIF-Cavite Fire Fighters ang mga naunang dumating na bumbero at tumulong sa pagmamando ng trapiko hanggang sa maapula ang sunog.
Matapos na maapula ang sunog bandang 8:30 ng umaga, dumeretso ang Navy Fire Fighters sa Quirino Grandstand para sa kanilang partisipasyon sa NSED. | ulat ni Leo Sarne
?: Naval Installation Command – Cavite