Nakatakdang itayo sa probinsya ng Davao Oriental ang dalawang Super Health Center para magbigay ng mabilis na serbisyo sa mga mamamayan lalo na sa malalayong lugar.
Pinangunahan ni Senate Committee on Health Chairman Senator Christopher Lawrence ‘Bong’ Go ang groundbreaking ceremony sa dalawang pasilidad na itatayo sa Brgy. Central sa Mati City at Poblacion sa bayan ng Lupon.
Layunin ng Super Health Center na magbigay out-patient services, paanakan, dental care services, laboratory services gaya ng x-ray at ultrasound. Mayroon din itong pharmacy, at minor surgical unit.
Una nang sinabi ng senador na nasa 18 Super Health Center ang itatayo sa Davao region kabilang na ang apat sa Davao Oriental, Davao de Oro at Davao City, at tig-dalawa naman sa Davao del Norte, Davao del Sur at Davao Occidental.
Sa taong 2022, nasa 307 na Super Health Center ang nabigyan ng pondo sa ilalim ng Health Facility Enhancement Program ng Department of Health habang 322 dagdag pang pasilidad para sa kasalukuyang taon.
Nakatakdang maging operational ang nasabing mga Super Health Center sa loob ng apat na buwan. | ulat ni Sheila Lisondra | RP1 Davao