Nagpalabas ng mga kautusan si San Juan City Mayor Francis Zamora kaugnay ng mga hakbang ng kanilang Pamahalaang Lungsod kaugnay ng nakaambang transport strike sa susunod na linggo.
Ito’y sa posibleng epektong dulot ng nakakasa nang tigil-pasada ng ilang transport group simula sa Lunes, Marso 6 hanggang Linggo, Marso 12
Ayon kay Mayor Zamora, kaniya nang ipinag-utos ang pagpapagamit sa mga sasakyan ng lokal na pamahalaan para mag-alok ng libreng sakay sa mga maaapektuhang pasahero
Pinasususpinde na rin niya ang regular na ruta ng mga Tricycle Operators and Drivers Association o TODA at papayagan na silang magsakay at maghatid ng pasahero sa alinmang panig ng lungsod.
Ipinag-utos din ni Mayor Zamora ang suspensyon sa face-to-face classes kaya’t obligado ang mga paaralan na magpatupad ng online classes sa panahon ng tigil-pasada. | ulat ni Jaymark Dagala