Tiniyak ni Senate President Juan Miguel Zubiri na magpapatuloy pa rin ang mga pagdinig at imbestigasyon ng mataas na kapulungan kahit pa naka-break ang sesyon ng kongreso para sa Semana Santa.
Nitong Miyerkules ay nag-adjourn na ang sesyon ng kongreso at magbubukas itong muli sa May 8.
Kabilang sa mga nakalinya pang dinggin ng senado ang ilang priority measures ng administrasyon.
Inaasahang magkakasa na rin ng senate inquiry ang mataas na kapulungan tungkol sa ilang isyu tulad ng pamamaslang kay Negros Oriental Governor Roel Degamo.
Ibinida rin ng senate president na 14 na mga panukalang batas ang naaprubahan nila sa ikatlo at huling pagbasa sa huling gabi ng kanilang sesyon.
Naratipikahan na rin at naghihintay na lang ng pirma ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang mga panukalang batas tungkol sa Condonation ng Unpaid Amortization at Interest ng utang ng mga Agrarian Reform Beneficiaries at ang panukalang batas tungkol sa pagsasaayos ng termino ng mga opisyal ng Armed Forces of the Philippines (AFP). | ulat ni Nimfa Asuncion