Kinupirma ni Philippine Coast Guard (PCG) Commandant Admiral Artemio Abu na nagkaroon ng direktiba ang Department of Transportation (DOTr), na magsagawa ng imbestigasyon ukol sa paglubog ng barko dahilan ng pagtagas ng langis sa baybayin ng Mindoro at iba pang kalapit na lugar.
Sinabi ni PCG Admiral Abu, na inatasan ng DOTr ang PCG o Marina na magsagawa ng imbestigasyon kaugnay sa nangyaring insidente.
Aniya, importanteng makapagsimula na ng imbestigasyon sa nangyari upang hindi na ito maulit, at magkaroon ng aral sa ano mang pagkakamali na naging resulta ng pagkakatagas ng langis ng naturang barko.
Paliwanag pa ng PCG, na hindi pa mismong industrial fuel ang nakikitang tumatagas mula sa naturang barko na lumubog kung hindi diesel fuel.
Dagdag pa nito, wala pang inilalabas na resulta sa isinagawang test ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) mula sa nakuhang langis na humalo sa katubigan sa lugar, at pinaniniwalaang oil spill ito kaya hindi pa rin ganun kakongkreto ang impormasyon kung kasama ba dito ang industrial fuel.
Unang naipaulat na nasa anim na kilometro ang apektado sa pagkalat, subalit bumaba sa tatlong kilometro base pa sa napansin ng PCG na diesel fuel ang tumagas na nawawala naman sa init ng araw at sa hampas ng alon, pero kung ito ay industrial fuel maitim ito at makapal ang langis. | ulat ni Paula Antolin