Nakumpiska ng Department of Agriculture (DA) ang mga ipinasok na mga smuggled agri-fishery product sa Navotas City.
Ito ay matapos ang sunod-sunod na pagsalakay sa pitong illegal storage facilities sa San Rafael Village, Navotas City.
Matapos makatanggap ng impormasyon ang Department of Agriculture, agad ikinasa ang isang operasyon kasama ang Bureau of Customs (BOC), Philippine Coast Guard (PCG), Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR), Bureau of Animal Industry (BAI), at ng Navotas City Local Government.
Unang sinalakay ang cold storage facility sa Francisco Street, kung saan nadiskubre ang mga smuggled na frozen pork, frozen beef, at frozen chicken.
Isinunod naman ng mga awtoridad ang cold storage facilities sa dalawang lokasyon sa 81 at 72 Bernardo Street, kung saan natuklasan ang mga frozen pompano, pangasius, shrimp, chicken, frozen beef, at frozen pork.
Kabilang din sa nadiskube ang mga cold storage na patagong nag-operate sa ilalim ng trucking services registration.
Ayon kay Assistant Secretary for Inspectorate and Enforcement James Layug, ang mga nakumpiskang agri fishery products ay walang kaukulang sanitary at phytosanitary clearance mula sa a Food Safety Regulatory Agency.
Tiniyak ni Layug, na ipasasara nila ang storage warehouses habang kakasuhan ang mga nasa likod ng ilegal na pagpapasok ng smuggled agri-fishery commodities. | ulat ni Michael Rogas