Kinumpirma ng Philippine National Police (PNP) sa Central Visayas na mayroong natanggap noon na mga banta sa kanyang buhay si Negros Oriental Governor Roel Degamo.
Sa isinagawang press briefing ngayong gabi ni Police Lieutenant Colonel Gerard Ace Pelare, tagapagsalita ni Police Regional Office (PRO) 7 Director Police Brigadier General Jery Bearis at siya ring tumatayong tagapagsalita ng Special Investigation Task Group na tumututok sa imbestigasyon sa kaso ni Degamo, sinabi nito na ang PRO-7 ay nakatanggap ng report kaugnay sa mga natatanggap na death threats ng gobernador kung kaya’t nagdagdag sila ng security detail para dito.
Maliban sa PNP mayroon ring mga tauhan mula sa Philippine Army na naka-detail din bilang security ng napaslang na gobernador.
Ngunit ayon kay Pelare wala pang natutukoy na motibo ang mga imbestigador na posibleng dahilan ng pamamaslang sa gobernador.
Lahat aniya ng mga anggulo ngayon ay tinitingnan ng mga imbestigador sa nasabing kaso.
Samantala, nasa kustodiya na rin ngayon ng Special Investigation Task Group (SITG) ang tatlong suspek na nahuli kaninang hapon sa isinagawang hot pursuit operation ng pinagsamang pwersa ng PRO-7, Special Action Forece, at Philippine Army.
Ayon kay Pelare isasailalim sa custodial debriefing ang mga ito upang makakuha pa ng karagdagang impormasyon ang mga Kapulisan na makatutulong sa paghuli ng natitira pang suspek.
Base sa impormasyong nakuha ng Pulisya, nasa 10 katao ang bumaba mula sa tatlong get-away vehicle na natagpuang inabandona ng mga suspek sa Brgy. Kansumalig Bayawan City, Negros Oriental.
Nakipag-ugnayan na rin ang SITG sa Land Transportation Office (LTO) upang ma-trace kung sino ang nagmamay-ari ng mga sasakyang ginamit ng mga suspek.
Sa ngayon partuloy ang ginagawang pagtugis ng mga awtoridad sa mga natitira pang suspek. Hindi rin tinukoy ni Pelare kung ilan lahat ang namatay maliban kay Governor Degamo. | ulat ni Angelie Tajapal | RP1 Cebu
Contributed photos