Inalmahan ni Senador Imee Marcos ang pagtukoy sa kanya ni Senate President Juan Miguel Zubiri sa isang pahayag na siyang dahilan ng delay ng pagkakaapruba ng Regional Comprehensive Economic Partnership (RCEP).
Ang tinutukoy ng senador na pahayag ay ang inisyal na naging tugon ni Zubiri sa usap-usapang posibleng mapatalsik siya sa pwesto.
Giit ni Marcos, bago pa man maisumite ng Office of the President ang RCEP sa Senado noong November 29 ay nagsagawa na siya ng public consultation noong Setyembre, para hikayatin ang Department of Agriculture, Department of Trade and Industry, at Bureau of Customs na tumugon sa mga concern ng sektor ng agrikultura at ng micro, small and medium enterprises (MSMEs).
Nai-refer aniya sa kanyang pinamumunuang Senate Committee on Foreign Relations ang RCEP ratification noong December 6, at noong December12 ay nagsagawa na siya ng pormal na pagdinig.
Gayunpaman, pinunto ng senador na hindi tumugon ang concerned agencies sa kanyang pinatawag na pagdinig.
Dahil dito ay agad siyang humingi ng tulong kay Senate President Zubiri para sumagot ang mga ahensyang kinakailangan.
At nang hindi pa rin nakipagtulungan ang government agencies ay sinabi na ni Senador Imee sa Senate leadership na hindi niya mai-sponsor ang RCEP ratification, nang walang sapat na proteksiyon sa mga magsasaka, mangingisda, at MSMEs at mahigpit na polisiya laban sa smuggling.
Sinabi rin ni Marcos, na ang pagpapalit ng executive secretary ang nagdulot ng late na transmittal ng RCEP at hindi dapat siya ang sisihin dito. | ulat ni Nimfa Asuncion