Tatlong barangay na sa Isla Verde ang apektado ng oil spill mula sa lumubog na MT Princess Empress sa Naujan, Oriental Mindoro.
Ayon sa pabatid ng Sangguniang Panlalawigan ng Batangas sa isinagawang pagdinig ng Committee on Environment sa pamumuno ni Board Member Wilson Rivera ng ikalawang distrito sa sesyon kahapon, binanggit ni Mr. Joselito Castro, hepe ng Provincial Disaster Risk Reduction Management Office (PDDRMO) Batangas na base sa report ng Philippine Coast Guard (PCG) Batangas na nagkaroon na ng oil spill sa Barangay San Agapito at San Agustin Kanluran.
Namataan ang langis bandang 7:26 ng umaga, kahapon.
Samantala, apektado na rin ng oil spill ang Barangay San Antonio ayon kay Barangay kagawad Naldy Collera.
Ipinahayag ng Provincial Government Environment and Natural Resources Office (PGENRO) na kung hindi mapipigilan ang pagkalat ng oil spill, posibleng umabot ito sa Barangay Ilijan sa Batangas City at maging sa bayan ng Tingloy base sa ipinalabas na trajectory ng UP Marine Science Institute.
Agarang tulong naman ang panawagan ng mga residente ng apektadong mga barangay sa Isla Verde na ang pangunahing ikinabubuhay ay pangingisda.
Sa ngayon, wala pang opisyal na pahayag ang PGENRO kung ligtas ang mga isdang mahuhuli malapit sa Isla Verde kaya hiling ng pinuno ng komite na isailalim sa pagsusuri ang mga mahuhuling isda.
Magsasagawa din ng water sampling ang PGENRO. | ulat ni Mae Formaran | RP1 Lucena
?: PCG Southern Tagalog