Inihahanda na ng Department of Agriculture-Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (DA-BFAR) ang tulong nito para sa mga mangingisda sa Oriental Mindoro na naapektuhan ng oil spill mula sa lumubog na MT Princess Empress.
Personal na ring bumisita sa lalawigan si BFAR National Director Demosthenes Escoto kung saan nangako ito ng inisyal na โฑ4-milyong pondo para sa alternatibong livelihood assistance sa mga mangingisdang hindi muna makakapalaot dahil sa fishing ban.
Sa tulong ng pondo, magbibigay ang ahensya ng post-harvest training at equipment partikular ang smokehouses para maiproseso ng mga mangingisda ang mga isdang mahahango mula sa Occidental Mindoro at iba pang lalawigan na hindi apektado ng oil spill.
Makikipag-partner din ang BFAR sa Philippine Fisheries Development Authority (PFDA) para sa pagpapatupad ng KADIWA OPLAN ISDA na maguugnay sa mga mangingisda sa mga merkado.
Bukod naman sa livelihood interventions, ay magbibigay rin ang DA-BFAR ng technical assistance sa provincial local government unit sa pamamagitan ng pagsasagawa ng laboratory testing sa mga nakolektang tubig at isda sa mga apektadong lugar.
Sa pinakahuling tala ng BFAR, mayroon nang higit sa 11,000 fisherfolk families sa munisipalidad ng Naujan at Pola ang apektado ng oil spill. | ulat ni Merry Ann Bastasa
?: BFAR