Pormal nang inilunsad sa bayan ng Morong, Rizal ang advanced 911 emergency call center para sa mabilis na pagresponde sa panahon ng sakuna.
Sa ginanap na contract signing ceremony sa pagitan ng Pamahalaang Bayan ng Morong at Next Generation Advanced o NGA 911, sinabi ni Mayor Sidney Soriano na prayoridad nito ang public safety para palakasin ang turismo at investment sa lugar, na maglilikha naman ng mas maraming trabaho.
Paliwanag ni NGA 911 Philippines Country Manager Robert LIaguno, kaiba sa lumang 911 emergency hotline, magtatakda ang NGA911 ng geo-fence o perimeter para maiwasang mapunta sa iba pang local command center ang 911 calls na manggagaling sa Morong.
Sa pamamagitan ng advanced system na ito, makikita din ang eksaktong lokasyon ng caller sa loob ng lamang ng ilang segundo, kabilang ang malapit na pulis, bumbero, o ambulansya na maaaring agad na rumesponde.
Gagamit din ang NGA911 ng circuit redundancy kabilang ang Fiber, long term evolution o LTE at satellite internet na Starlink na magpapagana sa Morong command center kahit bagsak ang kuryente at telecommunication tower sa lugar.
Maaaring tawagan ang 911 hotline ng Morong via landline, cell phone, o mga application, habang mayroong din itong real-time text para sa mga bingi o may mahinang pandinig.
Ang bayan ng Morong ang kauna-unahang lugar sa Rizal na makakatanggap ng ganitong programa na inaasahang maipatutupad sa loob ng tatlo hanggang limang buwan. | ulat ni Hazel Morada