Nais ni Senate Majority Leader Joel Villanueva na magkaroon ng solusyon sa problema ng mga magsasaka sa agricultural insurance at maisama sa plano ng pamahalaan, para mabawasan ang epekto ng papalapit na El Niño phenomenon.
Sa inihaing Senate Resolution 549 ni Villanueva, nais nitong makita ang estado ng agricultural insurance ng gobyerno lalo na at ang sektor ng agrikultura ang unang naaapektuhan kapag mayroong sakuna o kalamidad.
Isinusulong ng Majority leader na maglagay ng sapat na mga hakbang para maprotektahan ang mga magsasaka at mangingisda.
Aniya, nakakaalarma ang mababang paggamit ng agricultural insurance para sa mga magsasaka lalo na at kailangang handa ang gobyerno sa epekto ng natural extreme events, sakuna at climate change o pagbabago ng klima.
Sinabi pa ni Villanueva, na dapat tugunan ng Philippine Crop Insurance Corporation (PCIC) ang mga isyu ng mga magsasaka sa paghain ng indemnity claims tulad ng kakulangan ng kaalaman at mahabang proseso sa claim payments, documentary requirements, at dagdag na gastusin na nagreresulta sa mababang pagkuha nito. | ulat ni Nimfa Asuncion