Nanindigan ang Armed Forces of The Philippines (AFP) na walang kinalaman ang Balikatan Exercise sa umiiral na tensyon sa pagitan ng China at Taiwan.
Ito ang inihayag ni Philippine Balikatan Exercise Director Major General Marvin Licudine sa pulong balitaan kasunod ng pormal na pagbubukas ng pinakamalaking pagsasanay militar sa pagitan ng Pilipinas at Estados Unidos ngayong umaga.
Nilinaw ni MGen. Licudine na ang Balikatan ay regular na aktibidad na isinasagawa taon-taon ng AFP at U.S. military para mapahusay ang kakayahan ng dalawang pwersa.
Naniniwala naman si Licudine na hindi makakaapekto ang ehersisyo sa kasalukuyang sitwasyon sa Taiwan strait.
Matatandaang nagsagawa ng sariling ehersisyo militar ang China sa Taiwan strait nitong Sabado kasunod ng naging pagbisita sa Estados Unidos noong nakaraang linggo ng pangulo ng Taiwan. | ulat ni Leo Sarne