Isang linggo bago ang deadline ng SIM registration ay umakyat pa sa 73 milyon ang bilang ng mga subscriber identity module (SIM) card na nairehistro na hanggang nitong April 17, 2023.
Gayunman, sa tala ng National Telecommunications Commission (NTC), katumbas pa lamang ito ng 43.47% ng halos 169 milyong telco subscribers sa bansa.
Mula sa mga nairehistro, nasa 36,115,938 ang SIM card sa Smart Communications Inc., o katumbas ng higit 54% ng kanilang subscribers.
Nasa 31,585,578 naman ang nairehistro na sa Globe Telecom Inc., o katumbas ng 36.41% ng kanilang subscribers habang mayroon na ring 5,332,317 nakarehistrong SIM sa DITO Telecommunity o 35.63% ng kabuuang subscribers.
Tuloy-tuloy pa rin naman ang pagpapatupad ng Subscriber Identity/Identification Module (SIM) assisted registration ng NTC para mas maraming subscriber ang makapagrehistro.
Una na ring hinimok ng NTC at DICT ang publiko na magparehistro na agad at huwag nang hintayin pa ang deadline o sa April 26, 2023. | ulat ni Merry Ann Bastasa