Muling pinaalalahanan ngayon ni Bureau of Internal Revenue (BIR) Commissioner Romeo Lumagui, Jr. ang mga taxpayer at kumpanya na asikasuhin na ang paghahain at pagbabayad ng Quarterly VAT Returns bago ang deadline bukas, April 25.
Kabilang rito ang mga indibidwal o corporate taxpayer na may negosyo at may actual gross sales na higit sa ₱3-million.
Ayon kay Commissioner Lumagui, wala na itong nakikitang rason para hindi sumunod ang mga taxpayer sa naturang deadline dahil enero pa lang ay nag-aabiso na ang komisyon ukol dito.
Dagdag pa nito, hindi mag-aatubili ang BIR na patawan ng karampatang penalties ang mga indibidwal o kumpanya na hindi makakapagsumite ng kanilang VAT Returns sa naitalang deadline.
Hindi rin aniya palalampasin ang sinumang mapapatunayan na mamemeke ng kanilang transaksiyon gamit ang mga pekeng resibo para lamang mapaliit ang kanilang kinita.
Noong taong 2022, aabot sa 20% o katumbas ng ₱463-billion total tax collection ng BIR ay mula sa VAT taxpayers. | ulat ni Merry Ann Bastasa