Ngayong tapos na ang Semana Santa, pinaghahandaan naman ng Bureau of Jail Management and Penology ang panahon ng tag-init.
Ayon kay BJMP Acting Chief, Jail Chief Superintendent Ruel Rivera, titiyakin nito na lahat ng jail facilities ay mapapanatiling maayos, ganap na gumagana, at may sapat na kagamitan.
Aniya, sinimulan na ng BJMP ang regular maintenance at repairs ng kanilang mga pasilidad at kagamitan.
Gayundin, pinapahusay na rin ang pagsasanay ng mga jail personnel at pagpapatupad ng mahigpit na mga hakbang sa seguridad.
Kabilang din sa mga prayuridad ng BJMP ngayong summer ay ang mga suplay ng tubig at kuryente sa piitan, kalusugan ng Persons Deprived of Liberty at ang pag-usbong ng mga nakakahawang sakit dahil sa init at siksikan.
Samantala sa katatapos na Semana Santa, iniulat din ng BJMP na walang nangyaring jail incidents sa kabuuang 478 jail facility sa buong bansa. | ulat ni Rey Ferrer