Nagbabala ang ang Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) na bawal at mahaharap sa kaukulang parusa ang sinumang indibidwal na mahuhuling nagtututok ng projection laser beams o high intensity lights malapit sa mga paliparan.
Ayon sa CAAP, ang mga naturang aksyon ay nagdudulot ng malaking panganib sa kaligtasan ng aviation at maaaring magdulot ng isang sakuna o aksidente.
Ito’y maaaring magresulta sa pagkagambala at makaapekto sa kakayahan ng flight crew na magampanan ang kanilang responsibilidad partikular sa pagtake-off at landing ng mga eroplano.
Batay sa probisyon ng RA 9497, o ang Civil Aviation Act of 2008, ang sinumang mahuhuling gagawa nito ay maaaring maharap sa matinding parusa.
Kabilang na ang pagkakulong ng hindi hihigit sa tatlong (3) taon, o multa na hindi bababa sa ₱50,000 ngunit hindi hihigit sa ₱500,000 o parehas ayon sa itinakda ng korte. | ulat ni Don King Zarate