Nagpasalamat si Commission on Higher Education (CHED) Chairperson Prospero de Vera kay Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. kaugnay ng naging pagpupursige nito para patuloy na kilalanin ang seafarer certificate ng mga Pinoy ng European Union.
Sa Malacañang press briefing, sinabi ni De Vera na mismong ang Pangulo ang siyang tumutok sa pagbibigay direktiba sa mga kinauukulang ahensiya ng pamahalaan para makatugon sa hinihinging compliance ng European Union na may kinalaman sa Standards of Training, Certification and Watchkeeping (STCW) for Seafarers.
Dahil dito sinabi ni De Vera ay naibigay ang kasiguraduhan na mananatiling may hanapbuhay ang mga Filipino seafarers na aabot sa 50,000 at makapagpapatuloy sa kanilang paghahanapbuhay sa mga barko ng EU.
March 31 nang matanggap ng pamahalaan ang liham na nagsasabing nagkaroon ng assessment ang European Commission sa mga naging hakbang ng Philippine government para tugunan ang anomang kakulangan sa International Convention on Standards of Training, Certification and Watchkeeping for Seafarers and Code.
Nagbunga ito ng patuloy na pagkilala ng EU sa STCW system ng bansa. | ulat ni Alvin Baltazar