Patay ang pinuno ng isang criminal gang group gayundin ang apat pang kasamahan nito matapos manlaban sa mga Pulis sa Brgy. Dungos, Tulunan, Cotabato.
Sa impormasyong ipinarating sa Kampo Crame ni Philippine National Police Special Action Force (PNP-SAF) Director, Police Brigadier General Rudolph Dimas, kinilala nito ang nasawing criminal gang leader na si Danny Lamalan Cabakungan alyas Kumander Magnetic
Ayon kay Dimas, magsisilbi lamang ng search warrant ang mga pulis sa nabanggit na lugar nang makipagpalitan ng putok ang grupo ni Cabakungan
Malubhang nasugatan sina Cabakungan at apat pang kasamahan nito, subalit hindi na umabot ng buhay nang dalhin sa ospital habang naaresto naman ang dalawang iba pa at may nakatakas pang iba.
Nakumpiska rin mula sa mga ito ang samu’t sari at matataas na kalibre ng armas, bala at mga pampasabog.
Nabatid na si Cabakungan ay dating sundalo na naging miyembro ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) na may kaugnayan sa Daulah Islamiyah – Hassan Group.
Sinasabing sangkot si Cabakungan sa pagpapakalat ng iligal na droga, gun running at nag-ooperate din bilang gun for hire sa bayan ng Tulunan at mga karatig lugar sa Maguindanao at Cotabato. | ulat ni Jaymark Dagala