Sinimulan na ng Department of Agriculture ang isang buwang selebrasyon para sa Filipino Food Month o Buwan ng Kalutong Pilipino.
Tampok sa selebrasyon ang iba’t ibang pagkaing bahagi ng Culinary Heritage ng bansa sa temang: Pagkaing sariling atin, mahalin at pagyamanin.
Pinangunahan nina DA Senior Usec. Domingo Panganiban, at National Filipino Food Month Chair Usec. Zamzamin Ampatuan ang pagbubukas ng pagdiriwang kung saan ibinida ang iba’t ibang putaheng Pilipino gaya na lang ng lechon, pansit, dinaing na tilapia, puto calasiao, at laing.
Nagbigay rin ng mensahe si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., na ipinunto ang kahalagahan na mapreserba at maipalaganap ang kaalaman sa mga pagkaing tatak pinoy.
Hinikayat naman ni Usec. Ampatuan ang mga makabagong henerasyon na kilalanin at tangkilikin ang mga pagkaing Pilipino sa harap ng pagsulpot ng iba’t ibang pagkaing banyaga.
Ayon sa DA, habang tinatangkilik ng publiko ang mga pagkaing Pinoy ay parang sinusuportahan na rin ang mga pananim at produkto ng mga magsasaka.
Kaugnay nito, ilan sa mga aktibidad na nakalinya ngayong Filipino Food Month ang KAINCON Filipino Conference, Philippine Food Festival, at Hapag ng Pamana na ilalarga sa iba’t ibang rehiyon sa bansa. | ulat ni Merry Ann Bastasa