Nanawagan si House Appropriations Committee Chair at AKO BICOL Party-list Rep. Zaldy Co na dagdagan ang mga identification document na maaaring ipresenta para sa SIM Registration.
Ayon sa mambabatas, isa sa nakikita niyang balakid o nagpapabagal sa pagpaparehistro ng SIM cards ay ang kakulangan ng ID na tinatanggap para sa registration.
Punto nito, pahintulutan ang pagsusumite ng alternatibong dokumento gaya ng:
-Barangay Residence Certification na may litrato at barcode;
-Vaccination Card na may QR Code;
-pinakahuling BIR Income Tax Return;
-School ID na may litrato at student number;
-4Ps ATM Card na may kasamang card number;
-DSWD Social Amelioration Card na may barcode;
-DOLE CAMP identification card; at
-PhilSys National ID physical card o electronic card
Diin ni Co, verifiable o maaaring tukuyin ang authenticity ng naturang mga dokumento.
Kailangan lamang mabigyang access ng mga ahensya ang telecom para maberipika ang ID o kaya’y magkaroon sila ng proseso ng verification.
“I believe the major problem is the lack of acceptable identification, so I am suggesting the following as acceptable documents because these can be verifiable. For these identification documents to be usable for SIM registration, the agencies and entities that have custody of the databases should either give the telecom firms access to their databases or they should have a working arrangement for the verification of documents submitted.” ani Co. | ulat ni Kathleen Jean Forbes