Hindi nagdulot ng pagtaas ng lebel ng tubig sa Angat Dam ang pag-ulang dala ng bagyong Amang na kalauna’y naging Low Pressure Area (LPA).
Batay sa update ng PAGASA Hydrometeorology Division, kaninang alas-6 ng umaga ay nasa 198.39 meters ang lebel tubig sa Angat Dam.
Nabawasan pa ito ng 13 centimeters kumpara sa naitala kahapon na 198.52 meters bagamat mas mataas pa rin sa minimum operating level ng dam na 180 meters.
Bahagya ring nabawasan ang antas ng tubig sa Ambuklao, San Roque, Pantabanagn, at Caliraya Dam.
Habang nadagdagan naman ang lebel ng tubig sa Ipo, La Mesa, at Magat Dam.
Una nang tinukoy ng PAGASA na hindi nagpaulan ng malakas sa mga watershed ang bagyo kaya’t wala itong naitulong para tumaas ang water level sa mga dam. | ulat ni Merry Ann Bastasa