Ikinasa na ng House Committee on Dangerous Drugs ang imbestigasyon nito hinggil sa napaulat na cover-up ng ilang opisyal ng Philippine National Police sa P6.7 billion na halaga ng shabu.
Sa Miyerkules, April 26 nakatakda ang pagsisiyasat ng komite salig sa House Resolution 495 na inihain mismo ni Surigao del Norte Rep. Ace Barbers, chair ng komite.
Bahagi ito ng motu proprio inquiry ng komite sa nabunyag na drug recycling.
Oktubre ng nakaraang taon nang masamsam ng pulisya ang nasa 990 kilos ng shabu na nakatago sa opisina ng lending company ni dating Police Master Sgt Rodolfo Mayo ng PNP Drug Enforcement Group.
Ani Barbers, kanilang inimbitahan sa pulong ang higit 40 PNP officials na sinasabing sangkot sa isyu.
Nagpaabot din ng imbitasyon kay Mayo.
Gayunman, hindi pa rin tiyak kung mapapahintulutan dumalo si Mayo, kahit via teleconferencing dahil nasa kustodiya na ito ng BJMP sa Camp Bagong Diwa simula pa noong Diyembre.
Para sa mambabatas, malaking bagay kung makakadalo si Mayo upang mas mabigyang linaw ang isyu.
“Actually lahat inimbitahan namin…yung sinasabing involved na sinuspindi ni [DILG] Sec. [Benhur] Abalos. So we invited all of them, lahat ng nandodoon sa isyung iyon, including si Sgt. Mayo. Si Sgt. Mayo, siguro, kung papayagan siya via Zoom, kasi he has been charged already so nakakulong na siya sa BJMP. So pag pinayagan siya mas maganda because maraming questions patungkol kay Mayo.” saad ni Barbers
Posibleng abutin ng isa hanggang dalawa pang imbestigasyon ang komite bago magkaroon ng rekomendasyon sa isyu ng drug recycling. | ulat ni Kathleen Jean Forbes