Nakatakdang pasinayaan sa susunod na linggo ang isang clinic na eksklusibo para sa mga batang wala pang limang taong gulang dito sa Davao City.
Ayon kay City Health Office Acting Head Dr. Marjorie Culas, serbisyong alok ng naturang pasilidad ang daily consultation at immunization, pati na psychosocial counseling at pagtitimbang sa mga bata para sa malnutirition program.
Ito ay isang centralized clinic na magsisilbing dagdag na pagpipilian ng mga magulang para maka-avail ng health services para sa kanilang mga anak na wala pang 5 taon ang edad.
Ayon kay Culas, ang pagtatayo ng naturang pasilidad ay malaking tulong rin sa immunization para sa mga bata laban iba’t ibang sakit, dagdag sa inaalok na pagbabakuna sa lahat ng health centers sa lungsod
Binigyang diin ni Culas ang importansya ng pagpapabakuna sa mga bata, lalo na laban sa measles-rubella na uso tuwing tag-init. | ulat ni Maymay Benedicto | RP1 Davao