Mariing kinokondena ng Department of Foreign Affairs ang mga ginagawang hakbang ng Chinese Coast Guard sa ating Philippine Coast Guard sa Ayungin Shoal.
Ito’y matapos maiulat ng PCG ang mga ginagawang maneuver ng mga barko ng China sa Ayungin Shoal habang nagsasagawa ng patroling ang PCG kasama ang ilang kawani ng media sa naturang pinag-aagawang teritoryo.
Ayon kay DFA Spokesperson Teresita Daza, dapat na irespeto ng China ang Exclusive Economic Zone ng Pilipinas sa West Philippine Sea dahil nakasaad sa United Nations Convention on the Law of the Sea (UNCLOS) na kinakailangang magkaroon ng freedom of navigation ang Pilipinas dahil pasok ito sa ating EEZ.
Dagdag pa ni Daza na may mga paunang ulat din ng kaparehong insidente ng pagma-maneuver ng Chinese vessel na muntik nang magkaroon ng pagbanggaan sa pagitan ng Pilipinas at China matapos umabot na lamang sa distansyang 50 yards ang layo mula sa isa’t isa.
Kaya naman nanawagan si Daza sa naturang bansa na irespeto ang karapatan ng Pilipinas na pangalagaan nito ang kanyang Exclusive Economic Zone at protektahan ang ating teritoryo. | ulat ni AJ Ignacio